Image courtesy of www.gmanetwork.com
Below is the official response from GMA Network to the statement of the Philippine Football Federation about Arnold Clavio:
Kamakailan, inireklamo ng sexual harassment ang dalawang miyembro ng Philippine Azkals ni dating Philippine Olympic Committee President Cristy Ramos, anak ni dating Pangulong Ramos.
Nitong Martes, napag-usapan po sa Unang Hirit ang sexual harassment complaint ni Cristy Ramos laban sa dalawang miyembro ng Azkals kung saan nagbigay ang ilang hosts ng kani-kanilang opinyon.
Kahapon, nakatanggap ang GMA Network ng liham mula sa Philippine Football Federation o PFF kung saan inireklamo ang mga komentaryo nina Arnold Clavio at Rhea Santos sa kanilang programa.
Nais po linawin ng GMA Network na ang mga inirereklamong pahayag ay hindi bahagi ng aming news reporting kung saan tanging mga statement of facts ang ibinabalita at kung saan walang puwang ang pagbibigay ng opinyon ng mga host. Ang mga inireklamong pahayag ay unscripted discussion ng Unang Hirit hosts sa commentary segment ng programa kung saan sila ay nagpalitan ng opinyon at nagbigay ng kani-kanilang pananaw tungkol sa naturang issue.
Nalulungkot po ang GMA Network na iba ang naging intindi ng Philippine Football Federation sa mga sinabi ni Arnold. Ang pinapatungkulan ni Arnold ay hindi kung Filipino citizen o kung may lahing Pilipino ang mga Azkals kundi kung naisapuso at naisaisip ba nila ang kulturang Pinoy.
Ang issue na tinalakay sa Unang Hirit ay sexual harassment—isang mahalagang issue kung saan matindi ang paninindigan ng mga host. Meron pong karapatan sina Arnold, Rhea at iba pang host na ihayag ang kanilang opinyon, isang karapatang pinoprotektahan ng ating Saligang Batas. Sang-ayon man kami o hindi sa kanilang opinyon, ang karapatan nilang ihayag ito ay kinikilala ng GMA Network tulad ng aming pagrespeto sa karapatan ng publiko at maging ng PFF na maghayag ng kanilang opinyon—basta ang nasabing opinyon ay hindi labag sa batas.
Sa liham ng Philippine Football Federation, sinabi nilang racist, discriminatory, libelous at malicious ang mga pahayag nina Arnold Clavio at Rhea Santos. Pero ang GMA Network po, walang nakitang racist, walang discriminatory, walang libelous at walang malicious sa mga komentaryo nina Arnold at Rhea.
Source: GMA Network
Official statement of Arnold Clavio on the Azkals issue:
GMA News anchor Arnold Clavio responds to criticisms about the recent remarks he made about the sexual harassment case currently faced by some members of the Philippine Azkals:
Mga igan, nakakalungkot na may negatibong reaksyon ang naging pahayag ko tungkol sa Philippine Azkals kaugnay ng sexual harassment complaint ni Ms. Cristy Ramos. Wala po akong ganoong intensyon. Ang isyu po rito ay sexual harassment at kung may nagamit man po akong mga salita na hindi angkop, nagpapakumbaba po ako at humihingi ng pang-unawa. Dun naman po sa mga kasama kong nanindigan laban sa sexual harassment, maraming salamat po. Seryoso pong isyu ito na dapat bantayan.
-Arnold Clavio
Source: GMA Network